Anong nangyari sa Christmas Party? 
Excited kami!


Picture-picture muna...


Syempre bago lahat! Haha!
Ngumiti ako ng ngumiti na parang aso. Natatawa ako sa sarili ko dahil ako lang ang magulang na sumeryoso sa okasyon na ito. May imbitasyon silang ipinamigay at may tick box kung makakapunta ang magulang o hindi. Syempre pa, pupunta ako. Hindi ko akalain na sa 15 na bata sa klase ni Mia, ako lang ang magulang na makakapunta.
At bukod kay Father Christmas (school administration) na regalo, si Mia lang ang may ipinamahaging giveaways. Pero nakakakuha naman siya ng limang Christmas cards. Para duon pala ang listahan ng pangalan na hiningi ng Nanay na narinigan ko nuon. Oh well, nakakuha ako ng halik at papuri mula sa mga guro ng anak ko pero sa susunod, hindi na ko magiging OA. Hahaha! There’s always a first time ika nga.
Pasalamat na rin ako at kahit paano ay nakuhanan ko ng litrato si Mia. Hindi kasi hinihikayat ang pagdala ng camera sa okasyon kung saan maraming bata. Pero bakit ba, ako nga lang ang nagpaunlak sa kanila! Pero nagpaalam naman ako na si Mia lang talaga ang kukuhanan ko, sinabi nila na wala naman problema pero gusto ko na lang maging responsableng magulang. Dahil kung ako rin, kung walang pahintulot sa kung anumang patungkol sa anak ko, gusto ko na irespeto rin ako. Kaya ayun, sa tuwing nakikita ko si Mia na malayo sa ibang bata, tsaka ko lang siya kinukuhanan. At kung may mga bata sa paligid niya, malayo na lang ang kuha ko o di kaya ay zinoozoom ko sa kanya.

Ang pinakagusto kong guro ni Mia. Gumagawa sila ng korona.

Ang tangos ng ilong (ng guro) noh? Hehe!
Kahit pa ako lang ang magulang na dumalo, nakita ko naman ang suporta ng mga ibang magulang sa ambag nilang pagkain. Pang tatlong buwan na supply ng pagkain ata ang nakita ko. Tumulong kasi ako sa pag-ayos ng ihahain sa mga bata kaya nakapasok ako sa kanilang pantry. Sa kontribusiyon namin ni Mia na chocolate chip cookies, Scottish butter cookies at milk chocolate and white chocolate rings mula sa M&S (healthy masyado noh?), ang mga rings lang ang ihinain sa mga bata dahil sa tingin ng playleader ay sapat na ang sweets sa selection ng mga pagkain. Natatawa ako kasi sa lahat ng pagkain na inalok ko sa mga bata (carrots, cucumber, cheese sandwich, pizza, cheese, fairy cakes, chips) ang chocolate rings namin ni Mia ang tanging nasimot. Si Mia ay hindi kinain ang sa kanya (habang ang ibang bata ay nakadalawa o nakatatlo) dahil sa totoo lang, hindi masyadong mahilig si Mia sa matamis (sana hanggang tumanda siya) kaya naman ako ang kumain. Hehehe! Masarap naman pala talaga. Thank you M&S! Kaya isa na naman itong tukso na hindi ko malalayuan. Naku po!

Dig in!
Iniisip ko na ok lang at ito lang naman ang tanging Christmas party na madadaluhan namin ni Mia rito. Kahit paano, ibinigay ko naman ang lahat ng aking makakaya sa okasyon na ito. Kung hindi ko pa nababanggit, talagang mahilig ako sa mga bata at pangarap ko talagang maging guro ng mga chikitings. Kaya naman sulit talaga ang pagpunta ko habang kinakawayan ako lahat ng mga ke-cucute na bata. Akala siguro nila asawa ako ni Santa sa laki ko. Hohoho!Ang dami ko rin palang nakain na keso! Ang sarap e. Hindi ako mahilig sa keso nila rito (mature, extra mature, extra extra mature...) pero yung ihinain kina Mia ay talagang nagustuhan ko. Nakakainis hindi ko naitanong kung saan binili. Hehe! Basta ang alam ko next year, hindi na ko maki-keso.

Ang masarap na keso at ang blockbuster chocolate rings.
Pinroblema ko rin pala ang isusuot ni Mia kasi ang sabi, “Dress at your best for we are not going to use paints on your party.” Kaya pinag-dress ko si Mia. (Si Jose pumili niyan! Pasalubong niya mula Chicago. Hehe!) Akala ko mahuhuli siya kasi simple lang ang suot niya. Inisip ko baka fully lined o layered with net ang idadamit ng mga girls, e wala naman ganun si Mia. Hehe! Tapos, mayroon isang batang babae na binihisan ng mala-snowman. Ang cute-cute pero in a way naawa ako kasi siya lang yung ganun na naka-costume. Lapit siya ng lapit sa akin at pinapatanggal yung suot niya kasi sobrang laki raw at nakakatihan na siya. Kaya ayun sayang lang din kasi pinalitan din siya ng damit ng playleader.

Ang aming Prinsesa.
Sana maka-attend naman ako ng Christmas party gaya ng nakasanayan ko sa Pilipinas...
Pero masaya talaga ako dahil kitang-kita ko sa mga mata ni Mia kung gaano rin siya kasaya at ka-proud na nanduon ako. Hiniling pa nga niya na sana laging Christmas party para lagi nila akong kasama.
Nakakatuwa talaga ang anak ko dahil habang ang ibang mga bata ay dagliang binuksan ang regalo nila, si Mia ay yakap-yakap ang sa kanya at nang nakauwi kami, nilagay niya ito sa ilalim ng Christmas tree at sinabing, “Mom, I will open all my presents on Christmas day. Ok?” Pero ang Christmas cards na natanggap niya ay paulit-ulit niyang tinitignan na akala mo ay naiintindihan na niya ang nakasulat.

Alin, alin, alin, ang naiba? Ang regalo mula kay "Father Christmas"
Hay! Ang sarap talagang maging praning na Nanay! :D