GP or General Practitioner is how we call doctors here. Generally, healthcare in UK is free. Totally free for children aged 0-16, pregnant women, and elders aged 60 and above. I say totally because any prescribed medicine for these people is also free. If your case is not an emergency, you have to call and schedule for an appointment before a GP can see you and when it is an emergency, you can either call 999 or go to the nearest NHS Hospital. Simple? Yes, that’s how it is supposed to be.
Ngayon para maiwasan ang kung anu pa mang komento mula sa lahi ng mga GPs dito, i-kwento ko ang pamamaraan nila sa ating wika.
Ito ay ang mga pagkakataon na kinailangan naming magpatingin sa kanila. Gusto ko lang ibahagi ang iba’t-ibang senaryo na naranasan namin.
Dahil si Mia ay hindi rito ipinanganak, lahat na nang bakuna o shots na kailangan ay halos kumpleto na niya. Pero hindi lahat ng ibinibigay sa Pilipinas ay ibinibigay nila rito gaya ng shots para sa bulutong. Gaya ng nasabi ko, kapag sa mga bata, wala ka talaga poproblemahin dahil lahat ay libre. Ultimo lotion pag dry ang balat ng bata ay ibinibigay din nila ng libre.
Napakaswerte namin dahil simula ng mapadpad kami rito ay mayroon na kaming pribadong healthcare provider mula sa unang kompanya ni Jose. Kaya naman nuong lumipat si Jose ng employer, inisip namin na kailangan din namin kumuha nito dahil iba talaga ang nagagawa ng “peace of mind.” Gaya na lang sa Pilipinas na back to back ang Maxicare at Medicard sa pag-cover sa aming pamilya. Pero anu nga ba ang silbi ng private healthcare rito? Kahit hindi malinaw sa amin ni Jose kung anung silbi nito, pikit mata namin binabayaran ang AXA PP buwan-buwan para kaming tatlo ay maging covered.
Ito ang isang senaryo na nag-pahinga sa aming dibdib…
Sobrang sakit ng likod ko pag matagal akong natayo o na-upo sa isang pwesto gaya nang kapag: naghuhugas ako ng plato, nagva-vacuum, nagsasampay, at namamalantsa. Pagkatapos kapag nasa sasakyan kami, talaga namang halos baliin ko na ang leeg ko para mawala ang ngawit na nararamdaman ko. Sinabi ko ang lahat ng ito sa GP. Wala siya ginawa kung hindi pinatayo ako kinapa ng bahagya ang likod ko sabay sabi ng, “I don’t think there’s a problem. Probably it’s just your posture.” Sira ba ang ulo niya? Bakit ako magsasayang ng oras para sundin ang mahabang proseso ng pagpapatingin sa kanila kung postura lang sa tingin ko ang problema. Kung iyon man, paano niya nasabi iyon? Kung sa atin, Xray agad yun. Sa isip ko magagaya lang ito noong panahon na para akong nababaliw na at walang ibang pinagawa ang GP kung hindi i-blood test ako para sa diabetes, liver at cholesterol na inabot ng dalawang buwan bago ko pa malaman na normal naman daw lahat at wala ako dapat ikabahala na kung hindi pa ako tumawag hindi ko malalaman... Kaya kung anuman ang napagdaanan ko nuon, sadyang matatag lang siguro akong tao para hindi isuko ang pag-iisip ko.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at nagtaas na ako ng boses at nagsabing, “You know we are actually covered by AXA PP. Do you think it will be better if you give the referral to them? I think I really need a specialist.” O, diba ang yabang ko? Kasi hindi niyo kami masisi dahil ang eng-eng talaga nung GP na ‘yon! Kulang na lang tumulo ang laway niya. Saka siya natauhan at nagsabing sige raw gagawa siya ng referral. Ngayon niya sabihin na posture lang ang problema. Akala ko ba posture lang, bakit igagawa niya ako ng referral kung base sa kanyang propesyonal na hatol e posture lang. Ano? Nakuha siya sa dikta ng isang pasyenteng may “private healthcare?" (Ang sistema kasi, bago i-cover ng AXA PP ang specialist kailangan i-recommend ng GP).
Hindi lang iyon, may problema rin ako sa mga pribadong parte ng katawan ko at sa totoo lang, hindi ako maselan kung lalaki o babae ang titingin sa akin. Pero siya ayaw niya ako tignan, sa babaeng GP daw ako magpaschedule. Sa isip ko, kung ako kaya si Keira Knightley, magdadalawang isip kaya siya? O baka nainis na siya sa dami ng hinaing ko… Kaya kahit hindi niya pa nakumpirma ang stado ng problema ko ni-resetahan niya ako ng lahat ng gamot na hiniling ko. Isipin mo ‘yon. Reseta para sa sakit na hindi siya sigurado! Wala na akong pakielam basta ako’y sigurado na ‘yon ang mga gamot ko noong nasa Pilipinas ako.
So paano ang singilan sa gamot dito para sa edad na pagitan ng bata at over 60s? Ang bawat gamot sa reseta kahit gaano pa karami o kakonti ay GBP7.10 sa ngayon. Halimbawa sa reseta may antibiotic at paracetamol, ibig sabihin GBP14.20 ang babayaran mo. Pero mayroon silang tinatawag ng Pre-prescription Charge certificate na good for 3 months or 12 months. Ang 3 months ay nasa humigit kumulang na GBP28 at ang 12 months ay nasa mga GBP100. Dahil sa apat na iba’t-ibang klaseng gamot ang nireseta sa akin noong “matalinong” GP na ‘yon bumili ako ng PPC for 3 months. Ibig sabihin sa loob ng tatlong buwan kahit ano pa ang i-reseta sa akin, bayad na. Ewan ko ba kung magandang bumili ako non kasi pagkatapos noon ay nagkasakit na kami ni Mia. Lahat ng gamot ni Mia ay libre at ako naman ay bayad na ng PPC ko. Kung tutuusin, ok na rin dahil ang isang gamot ko sa reseta ay Php3k sa Pilipinas.
Pre-prescription Charge Certificate
Matapos ang dalawang linggo, dumating na ang referral ng NHS sa isang specialist clinic. Kailangan ko na raw mag-paschedule. Noong tumawag ako sabi ko na hindi ako pwede ng weekdays dahil nga wala mag-aalaga sa anak ko. Wala raw sila libreng physiotherapist from NHS ng weekend. Sabi ko, anong gagawin ko? Wala talaga ako mapag-iwanan. Sinagot ako na wala raw sila magagawa. Kausapin ko raw asawa ko na mag-leave sa trabaho… O ‘di sige, wala nga raw sila magagawa e. Hanggang sa binalikan ko ang sinabi ng babae – walang physiotherapist from NHS. Tumawag ako agad at sinabi kong may private healthcare ako kailangan ko ng weekend na schedule. Walang isang minuto, may schedule na ko. Napahinga ako ng malalim at nagpasalamat na buti at may AXA PP kami.Hating-hati ang loob ko kung pupurihin ko sila o malulungkot. Wala nga atang perpektong pamamaraan.
Nakakatawa dahil noong may sakit kami ni Mia, sinabi ko (ibang GP na ito) na nilalagnat ako’t hindi makahinga, kailangan ko ng paracetamol at gamot sa sipon at ubo. Sinabi ko na may PPC ako. Sinabihan lang ako na mura lang ang paracetamol bakit ‘di na lang ako bumili. Tapos hindi ko raw kailangan ng gamot sa ubo’t sipon dahil lilipas din ang sakit ko matapos ang dalawa hanggang tatlong linggo. Seryoso ba siya? May lagnat na nga ako! Pinagtaasan ko ulit siya ng boses na kailangan ko ng reseta at sinabing, “Maybe for GPs like you, a paracetamol costs nothing. You see, in our family, my husband is the only one who works and I bought PPC not just to display the card, so I need that prescription.” E di binigyan niya ko. Pinilit ko pa na kailangan ko ng gamot sa sipon at ubo pero hindi ko raw kailangan. Kung after a week daw ay hindi pa ako gumagaling, bumalik na lang daw ako. Asar na asar na ako kaya ‘di na ko humirit pa. Salamat talaga at may stock pa ako ng Neozep at Katinko dahil ayoko maghintay ng isa pang linggo.
Eto naman ang kay Mia, e ‘di libre nga lahat ng gamot niya. Paano naman ang GP? (Iba rin ito.) Inalam niya kung ano sakit ni Mia, as usual paracetamol lang daw at hindi kailangan ng gamot sa sipon at ubo, lilipas din daw. Tapos ok nga raw na magkakasipon ang bata kasi mas lumalakas ang immune system. Hay! Kung anuman ibig niya sabihin na ok na nagkakasipon, sana naman may iba siya paraan ng pag-paliwanag. Para na niyang sinabi na maswerte si Mia na sinisipon dahil palalakasin siya nito! Tapos alam ko raw ba ang timbang ni Mia. Sabi ko huli kong check last month pa at sinabi ko na nga na 18kg. Sa isip ko, e asa tabi niya lang yung timbangan, dapat SOP na siya ang tumingin. Last month pa yung timbang na ‘yon! (Ang sipag mo Tsong!) Tapos grabe, paracetamol lang at lotion tumingin pa talaga siya dun sa libro ng mga gamot! At tama kayo sa hinala niyo! Mali ang dosage na ibinigay niya. Laking pasalamat talaga ako sa pharmacist sa lugar namin dahil talagang ipinatawag pa niya ako at pinayuhan na 5ml lang ang dapat kay Mia at hindi 10ml. Pinagsabihan niya ko na at all times, basahin ko ang label ng gamot for instructions kahit ano pa ang direction ng GP para kung may conflict makahingi ako 2nd opinion. Bakit ba hindi na lang yung pharmacist ang naging GP!!!
Mia's FREE Meds
Ano? Tatlong iba’t-ibang GP ganyan? Naku... judgmental lang siguro ako.Nitong Sabado ay nag-punta na nga kami sa Blackberry Clinic kung saan ako tinignan ng likod. Ayun cancellation pa lang ng appointment ay GBP35 na (mag-cancel kasi sana ako at tanghali kami nagising) paano kaya yung mismong charge nila sa pag-check-up at mismong program ng pagpapagaling? Hindi na kami nagtanong basta ang importante sagot ng healthcard. Hay! Sana naman dahil “private” clinic na ito, talagang mapapagaling nila ako. At hindi ako ang manghuhula ng dapat nila gawin. Balitaan ko na lang kayo…
Pasensiya na kung medyo negatibo ang dating ng post na ito…sa kabuuan, pasalamat pa rin kami sa biyaya ng tinatanggap namin araw-araw. Naway pagpalain Niya ang mga taong walang pribadong healthcard sa bansang ito.

.jpg)








